Monday, December 5, 2016

LENI QUITS CABINET POST

Malungkot man pero dapat tanggapin ang pagre-resign ni Vice President Leni Robredo sa Duterte Cabinet.

Mas may mukha na siyang magsalita alinsunod sa kanyang prinsipyo. Ayaw nyo nu'n?

Hindi na dapat kuwestyunin pa kung sinibak o bakit sinibak siya... kasi wala ring kwenta itong usapin.

Aminin natin, meron pareho sa kampo ng pro- at anti-Duterte ang mas nanaising kumalas na si Leni sa gabinete sa kani-kanyang rason.

Wala iyang pinagkaiba sa pagkalas ni VP Gloria kay Presidente Erap na ating ipinagdiwang.

Walang pinagkaiba sa pagbitaw ni VP Binay kay PNoy na halos bilang naman daw sa daliri ang humanga o may pakialam.

Wala rin namang nag-ingay sa atin para tuligsain noon ang pananahimik ni VP Noli sa iba't ibang eskandalo ng administrasyong PGMA.

Walang malawakang pagkondena sa pagpapakalat ni Gloria ng kanyang appointee sa iba't ibang institusyon, ahensya o sangay ng gobyerno... na ang mga umano'y mapait na bunga ay inaani natin ngayon.

Normal lang po ito... sa mundo ng pulitika.


Thursday, November 24, 2016

MGA CHISMOSONG LASENGGO SA KAMARA

Sige, kalimutan natin ang debate kung "in aid of legislation" ba talaga o hindi ang kanilang hearing...

isantabi natin kung kanino ka kampi...

pero heto isasama na natin sa magandang istorya sa newscast ang kabalbalan ng ilang kongresista na gumisa kay Ronnie Dayan.

Sa halip, ungkatin agad ang koneksyon ni Dayan sa mga taga-Bilibid ay tila aliw na aliw sila sa pagkalkal ng love affair ng "man of the hour" sa dati niyang na-karelasyon na si Sen. Leila de Lima.

Mga tanong na walang saysay.
Parang mga chismosong lasenggo sa kanto na nagpapayabangan at gustong may napagtri-tripan o mapagkantiyawan.

Oo sige, dapat kamo ay kayo mismo ang makapagpatunay na may namuo ngang pag-iibigan.

Pero nakakalimot yata sila na ang original agenda nila ay ang Bilibid Drugs.

Namumuro na kayo ha... pasalamat kayo at marami kayong nagtatakipan lalo sa isyu ng pagiging pala-absent.

Alam nyo, gusto naming lahat na matapos na ang usapin na iyan para panagutin na ang mga dapat managot... at nang makausad naman sa iba pang importanteng isyung pambansa.

Ayaw namin sa mga dramang walang tapusan.




(Photo credit:  GMA News Online)


Wednesday, November 23, 2016

BATA SA RALLY


Nag-viral sa internet ang isyu tungkol sa mga menor de edad na estudyante na kasama sa noise barrage ng St. Scholastica's College noong November 18.

Ang pagkilos ay paghahayag nila ng pagkontra sa paglibing sa diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.





Hindi isyu kung pro o anti-Marcos ang ginawang pagpuna sa pagsali ng mga bata...
kundi simpleng pagpapaalala ito sa kung paano rin natin noon nililibak ang mga pulitikong nagsasama ng mga bata sa kanilang election campaign at maging sa mga aktibista na may mga menor de edad sa kanilang mga kilos-protesta laban sa gobyerno.

Nadadamay tuloy ang mga bata sa pagbansag ng ilan sa mga ganitong grupo na "bayaran" o "hakot" daw o kung hindi man ay hindi naman daw talaga nila alam ang ipinunta nila sa demonstrasyon at kung ano ang kanila raw ipinaglalaban.

Walang isyu sa akin kung desisyon mismo ng bata ang mag-rally... matutuwa rin ako kung ganun na talagang mag-isip siya para sa bayan.

Pero kuwestyunable para sa akin ang ginawa ng eskwelahan para utusan ang mga estudyante na sumama sa ganung klaseng pagkilos; kesehodang may hiningi itong permiso sa menor de edad o sa mga magulang.

Hindi po ang mga bata ng St. Scho ang tinutuya o minamaliit sa usaping ito.

Binabatikos natin ang hakbang ng paaralan.